Philippine Local News

Ilang opisyal ng INC, ipinamalita umanong aarestuhin si Eduardo Manalo

August 28, 2015 Philippine Local News

Pinalabas umano ng ilang opisyal ng Iglesia Ni Cristo na aarestuhin ng Department of Justice (DOJ) ang punong tagapamahala na si Eduardo V. Manalo.

Ito ang iginiit ni Isaias Samson, dating ministro ng INC na siya ring nagsampa ng kasong illegal detention laban sa ilang opisyal ng iglesiya.

Anya, ipinahayag sa mga pagsamba na aarestuhin at poposasan pa si Manalo kaya nagpoprotesta ngayon ang ilang INC members sa tapat ng tanggapan ng DOJ sa Maynila.

“May mga binasa at ipinahayag sa mga pagsamba at katunayan hindi lamang dun sa mga pahayag kundi mismong sa pagtuturo na supposed to be ay pagtuturo ng mga aral ng Diyos na nasa bibiliya pero pilit na isiningit itong kasong ito at ‘yung pangalan ni Secretary De Lima at ng DOJ,” sabi pa ni Samson sa panayam ng DZMM.

Paglilinaw pa nito, hindi kasama si Manalo sa mga inireklamo niya sa DOJ. Anya, tanging mga miyembro lang ng Sanggunian ang “kinamumuhian” niya dahil mahal niya ang tagapamunong pangkalahatan.

Banat pa ni Samson, ginagamit na panangga ng Sanggunian ang mga miyembro ng INC.

“Wala pang ginagawa ang DOJ. Ni wala pang preliminary hearing, wala pang investigation. Bakit sasabihin nila sa mga kapatid sa Iglesia na sila’y aarestuhin na at ang ipagdidiinan pa nila na aarestuhin ang kapatid na Eduardo Manalo?”

Paglilinaw ng dating ministro ng INC, wala silang koneksyon ni De Lima at hindi pa niya ito nakikita sa personal.

Huwebes nang magsimulang mag-rally sa tapat ng DOJ compound ang mga miyembro ng INC. Tinangka pa ng mga itong harangin ang sasakyan ni De Lima habang humihiyaw ng mga batikos laban dito.

Panawagan ni Samson sa aniya’y mga kapatid niya sa INC: “Ito pong pangyayaring ito ‘wag po sana nating daanin sa init. Sa halip po ay gawin natin itong kaparaanan para malaman ang katotohanan dahil kung pababayaan natin na umusad ang katarungan diyan makikita kung sino ang lumabag at may mga nilabag.”

Sinubukan ng DZMM na hingan ng panig ang mga opisyal ng INC matapos ang panayam sa ere kay Samson ngunit hindi pa rin tumutugon ang mga ito.

Source: dzmm.com.ph

Related Posts

All About Juan