Pormal nang nasampahan ng kasong robbery si Claudine Barretto ng dalawa niyang dating kasambahay na sina Jenifer Murillo at Malou Becher sa Marikina Regional Trial Court.
Lumabas ang desisyon ng Marikina Prosecutor’s Office hinggil sa kaso bago mag-Holy Week break noong nakaraang linggo.
Kasabay nito ay ang pagbasura sa naunang reklamong qualified theft na inihain ni Claudine laban sa dalawang kasambahay.
ALLEGED THEFT. Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang legal counsel nina Jenifer at Malou na si Atty. Rico Quicho, ng Quicho and Angeles law firm, ngayong araw, April 23.
Inihayag ni Atty. Quicho na bandang July o August 2013 nang mangyari ang insidente, kung saan inakusahan ni Claudine ang dalawa niyang kasambahay na ninakaw diumano ang mamahaling paintings at Louis Vuitton bags mula sa bahay ng aktres sa Loyola Grand Villas.
Bunsod nito, pinalayas ni Claudine sina Jenifer at Malou at sinabing ipakukulong ang dalawa dahil sa ginawa nilang pagnanakaw.
Ngunit base sa pagsisiyasat ng prosekusyon, napag-alaman na ang mga nabanggit na luxury items—na diumano’y ninakaw nina Jenifer at Malou—ay pag-aari ng asawa ni Claudine na si Raymart Santiago.
Saad pa ni Atty. Quicho, isa si Raymart sa mga testigo na nagpatunay na pawang kasinungalingan ang alegasyon ng aktres laban sa dalawang kasambahay.
Mismong si Raymart daw ang personal na kumuha ng pag-aaring Louis Vuitton luggage at paintings mula sa conjugal home nila ni Claudine.
Noong March 2013, matatandaang lumayas si Raymart sa bahay nila ni Claudine sa Loyola Grand Villas matapos ng isa sa mga matitindi nilang away.
Pahayag ni Atty. Quicho hinggil sa kaso nina Jeniffer at Malou, “Mrs. Barretto filed two cases for qualified theft [against Jenifer and Malou].
“Yung first case is about Louis Vuitton luggage.
“In his affidavit, sinabi ni Raymart na hindi naman ninakaw ng dalawang katulong yung luggage, pero kinuha niya dahil sa kanya yun.
“Yung second case naman, yung three paintings na sinasabi ni Claudine na ninakaw ng mga katulong.
“Pero sa totoo, merong affidavit si Raymart [wherein he stated na] sa kanya yung paintings at kinuha niya yung paintings.
“Because of the testimony of Raymart at sinabi ng iba pang witnesses, sinabi ng [presiding] prosecutor na walang basehan yung charges ni Claudine.”
COUNTERCHARGE AGAINST CLAUDINE. Napag-alaman ng PEP na bandang August o September 2013 nang maghain ng reklamong robbery sina Jenifer at Malou laban kay Claudine sa Marikina Prosecutor’s Office.
Ito ay sa kadahilanang bukod sa pagtanggal sa kanila sa trabaho ay kinuha ng aktres ang cell phones at ibang gadget devices na pag-aari ng dalawang kasambahay bago sila pinalayas ng aktres.
Paliwanag ni Atty. Quicho, na libreng ibinigay ang kanyang serbisyo para kina Jenifer at Malou, “Nag-file sila ng grave coercion at robbery laban kay Claudine.
“Of the two complaints, yung isa na-resolve na. Yung grave coercion, na-dismiss.
“Pero yung robbery, there was an information filed against Claudine, the prosecutor finding probable cause that the crime of robbery was indeed committed and it was committed by Mrs. Barretto.”
Sa pagkakaalam ng abugado, wala pang inisyung warrant of arrest ang Marikina RTC para sa sa kasong robbery na kinakaharap ni Claudine.
Ngunit “early this week” ay nakatanggap daw ang legal counsel nina Jenifer at Malou ng kopya ng “motion from the lawyer of Mrs. Barretto asking for deferment, suspension, and recall of warrant of arrest [against the actress].”
Sa April 25, Biyernes, ang itinakdang pagdinig sa Marikina RTC kaugnay ng naturang apela ng aktres.
Ang akusadong sinampahan ng kasong robbery at naisyuhan ng arrest warrant ay maaaring makapagpiyansa sa halagang P100,000.
Ayon kay Atty. Quicho, ikinatuwa nina Jenifer at Malou ang desisyon ng prosekusyon at ang pag-usad ng kasong isinampa nila laban kay Claudine sa korte.
“My clients, Jennifer and Malou, they’ve been agonizing. They’re powerless, they don’t have any income.
“Maliliit na tao ito na hindi basta-basta puwede lang takutin, and dapat lang pangalaagan ang karapatan nila.
“They deserve to have their names cleared, not only for their sake but for the sake of the family.
“That’s the only reason why I’m granting the interview.
“Not to malign [anyone], not to sow intrigues, but just to clear their [Jenifer and Malou’s] names.”
Dagdag pa ni Atty. Quicho, nakausap niya sina Jenifer at Malou ngayong araw.
Iginiit ng mga dating kasambahay ng aktres na desidido silang ipaglaban ang kanilang karapatan hanggang sa matapos ang kaso.
Sa huli, nagbigay ng mensahe ang abugado para sa akusadong si Claudine.
Aniya, “The law would always be the law. It might be harsh but she needs to face the music.
“We will be pursuing this.”
Ang kaso nina Jenifer at Malou ay hiwalay sa kaso ni Dessa Patilan, dati ring kasambahay ni Claudine na naharap sa kasong qualified theft.
Pagkatapos ng ilang buwang pagkakakulong ay nakapagpiyansa si Dessa noong March 2014.
Sinubukang hingan ng PEP ng pahayag ang kampo ni Claudine, sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, ngunit hindi pa ito sumasagot hanggang sa kasalukuyan.
Mananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng kampo ni Claudine hinggil sa isyung ito.