Nakiusap si Robin Padilla sa kampo ni Rey Pamaran na magkapatawaran na sa nangyaring engkuwentro nila ng aktres na si Melissa Mendez, habang lulan ng Cebu Pacific plane papuntang Pagadian City, noong Biyernes, March 20.
Humantong na kasi ito sa paghahain ni Rey ng reklamong slander laban kay Melissa, na may kaakibat na damages na tatlong milyong piso.
Ayaw nang magkomento ni Melissa tungkol sa reklamong inihain laban sa kanya ni Rey, base na rin sa text na ipinadala niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal),
“Since nasa court na ‘yan, in respect of the court, I opt not to comment. Thank You,” sabi ni Melissa.
Sa pamamagitan ng Instagram ay may panawagan si Robin sa kampo ni Rey na patawarin na si Melissa.
Hindi raw siya nakikialam sa away nina Melissa at Rey, ngunit nakikiusap siya sa ngalan ng respeto at pakikipagkapwa-tao dahil nagpakumbaba na raw ang aktres.
Pahayag ni Robin, “Sir, it will be very good for everybody, especially to the young men of sports/bodybuilding and law school, if the both of you will set an example of practicing the code of chivalry.
“Matanda na rin po si Melissa, 50 yrs old na siya, maliit na babae at hindi naman mayaman, may naipon ngunit hindi naman sobra, sapat lang para sa pamilya.
“Hindi po ako nakikialam, bagkus ay nakikiusap.
“Naniniwala po ako na kayong dalawa ay marangal na tao at hindi umaatras sa laban, ngunit nagpakumbaba na po si Melissa at humingi na ng paumanhin at patawad.
“Malinaw na ayaw na po niyang lumaban pa.
“Dasal po ng Katipunan ay magkaroon na po ng katapusan ang hindi pagkakaintindihan na ito at magsilbing aral sa lahat ng sumasakay ng eroplano, babae man o lalaki.
“Ang pagpapatawad po ninyo kay Melissa Mendez ay tatanawing utang na loob ng lupon ng mga Rebolusyonaryong Pangkapayapaan.”
Matatandaang humingi na ng public apology si Melissa, sa pamamagitan ng Instagram, ngunit hindi ito tinanggap ni Rey at itinuloy pa rin ang paghahain ng reklamo laban sa aktres. —PEP